Halimaw

Alam kong nandito lang ang halimaw na yun. Ang halimaw na walang pusong  pumatay sa asawa ko. Hindi ko akalaing mangyayari sa amin ‘to ni Hannah. Hindi kailanman sumagi kahit sa pinakamadilim kong bangungot na darating ang araw na ‘to. Si Hannah. Dilat ang mata, wasak ang dibdib, dinukot ang puso, at  ngatngat ang leeg.

Bakit di ko man lang naramdaman, bakit di ko man lang narinig, ni hindi ko nakita kahit anino na lang ng halimaw.

Papatayin ko ang halimaw na yun. Papatayin ko siya ng walang awa. Kahit maging ang kapalit pa nun ay ang buhay ko.

Kasalanan ko ‘to. Baka kung sakaling hindi muna ako umiyak pag kagising ko at pagkita kay Hannah, baka naabutan ko pa ang halimaw.

Pero alam kong nandito pa siya, alam kong nasa paligid lang siya, nagtatago muna sa kung saang sulok ng bahay namin, nagbabantay, nagmamasid sa’kin, tumitiyempo kung kailan na naman siya aatake.

Pero magiging handa ako. Ngayon ako nagsisisi kung bakit ni hindi man lang akong nakaisip bumili ng baril, pero wala akong magagawa, kailangan kong maging kontento sa kutsilyong dala-dala ko.

Wala  na siya sa kwarto. Wala siya sa kusina. Wala siya sa sala namin. At kahit basement namin.

Bakit ganun? Kahit hindi ko siya nakikita, nararamdaman ko ang presensya niya. Nararamdaman kong nandiyan lang  siya.

Sa  banyo. Marahil nandun siya. Yun na lang ang lugar sa bahay namin ang hindi ko pa napupuntahan.At pagbukas ko ng pintuan. Gumalantang sa’kin ang mukha ng halimaw. Pero hindi siya umatake. Nagtitigan lang kami.Puno ng dugo ang mukha niya, punong-puno ng dugo ang bibig niya, ang ngipin niya may mantsa din ng dugo, dugo ng asawa ko.

Tinaas  ko ang kutilyo at sinaksak ang halimaw. Sinaksak ng ilang beses ang halimaw. Ang halimaw… na nakita ko sa  harap ng salamin.