Prom

Di ko ginusto ang pumunta sa mga ganitong klaseng pagtitipon dahil alam ko namang di ako nababagay sa mga ganitong lugar. Ngunit naisip ko ring gusto ko na rin pumunta dahil pupunta ang taong mahal ko. Sa wakas, makikita ko siyang naka-ayos at naka-pormal na pananamit. Mabibigla ba siya kung makita niya akong nakaayos din? Ano kaya ang sasabihin niya?

Pagbukas ng pintuan, bumati sa’kin ang nakakasilaw na liwanag mula sa loob. Sinubukan kong pumikit at dumilat para masanay ang mga mata ko sa liwanag. May biglang tumawag sa’kin mula sa di kalayuan, mga kaklase kong kanina pa pala naghihintay. Lumakad ako papunta sa kanila. Iisang mesa lang pala kami ng taong mahal ko. Paanong hindi? Eh, matalik kaming magkaibigan. Siya pa nga ang pumilit sa’kin na sumali sa ganitong klaseng pagtitipon.

Bigla akong natigilan. Ganito pala ang pakiramdam kung makikita mo ang mahal mong nakadamit ng maayos. Binati niya ako, bumati na rin ako,pero hindi ko alam kung ano pa ang sasabihin, di ko rin alam kung may dapat pa bang sabihin. Tinitigan ko siya ng matagal. Paanong ang isang taong kalmado tulad ko,natutulala at natataranta sa mga ganitong oras? Bigla kong ibinaling ang tingin ko sa ibang lugar at umupo.

Tinitigan ko siya ulit ng matagal. Ang titig na nagsasabing mahal ko siya.. Ang titig na nagsasabing umaasa pa ako. Ang mga titig na nagsasabing hanggang tingin lang ang pwede kong gawin. Malungkot ang titig ko…ang kalungkutang nakikita lang sa taong di mapapasakanya ang taong mahal niya.

May pumasok na naman sa pintuan. Bigla kong ibinaling ang mga mata ko sa taong papasok. Kilala ko siya. Kilalang-kilala. Siya ang mahal ng taong mahal ko. Bigla akong nakaramdam ng selos. Tiningnan ko siya ng matagal. Biglang naitanong ko sa sarili ko;Anong meron siya na wala ako? Ano ba ang kaya niyang gawin na di ko kaya? Hanggang kailan akong manganagarap na ako na lang siya?

Tinitigan ko ang taong mahal ko. Nakatitig siya sa taong mahal niya.

Alam ko ang ibig sabihin ng mga titig na yun. Yun ang titig ng taong nagmamahal. Yun ang titig ng taong umaasa at nagsasabing hanggang tingin lang ang pwede niyang gawin. Titig na nagsasaad ng kalungkutan… kalungkutang nakikita lang sa taong di mapapasakanya ang taong mahal niya.

Bigla kong naalala ang mga oras na umiiyak siya dahil sa taong kapapasok lang. Bigla ko rin naalala na nakipag-inuman siya kasama ako dahil sa kasawian niya. Ngunit, sa gabing ito,ang nakikita ko lang ay ang paghanga niya sa taong mahal niya. Tinititigan niya ito na katulad ng kung paano ko siya titigan. Namamangha. Di makapaghanap ng mga salitang dapat niyang sabihin. Higit sa lahat, nagmamahal sa taong di rin pala magiging kanya.

Ang kapapasok lang sa pintuan ay tinawag ng kaklase rin naming nasa kabilang mesa lang. Tumugon rin ang kapapapasok lang at umupo.

Sa ngayon,hindi ko na kayang ibaling sa ibang lugar ang mga tingin ko. Nakatitig pa rin ako sa mahal ng taong mahal ko. Ano ba talaga ang meron siya na wala ako? Ang taong mahal ko… nakatitig pa rin sa kanya. Kailan ba ako tititigan ng taong mahal ko na katulad nang pagtitig niya sa taong mahal niya?

Ngunit nalulungkot ang taong mahal ko dahil alam niyang may ibang mahal ang taong mahal niya. Ang taong minamahal niya ay nakatitig sa kaklaseng tumawag sa kanya. Alam ko ang ibig sabihin ng mga titig na yun.

Yun ang titig ng taong nagmamahal. Yun ang titig ng taong umaasa at nagsasabing hanggang tingin lang ang pwede niyang gawin. Titig na nagsasaad ng kalungkutan… kalungkutang nakikita lang sa taong di mapapasakanya ang taong mahal niya.

Sinubukan kong titigan ang minamahal ng mahal ng taong mahal ko. Sa iba rin pala siya nakatitig. Bigla akong di makahinga. Asan na ang hangin sa mundo sa mga oras na kailangang-kailangan ko ‘to? Ano ang dapat kong maramdaman ngayong napagtanto kong ang titig ng minamahal ng mahal ng taong mahal ko ay nakatuon sa akin. At alam ko ang ibig sabihin ng mga titig na yun.

Yun ang titig ng taong nagmamahal. Yun ang titig ng taong umaasa at nagsasabing hanggang tingin lang ang pwede niyang gawin. Titig na nagsasaad ng kalungkutan… kalungkutang nakikita lang sa taong di mapapasakanya ang taong mahal niya.

null

One thought on “Prom

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s