Anghel ng Kamatayan

“Isa ngang beer” saad ng kapapasok lang na lalaki  sa piano bar.

Lalaking may hikaw na hugis krus. Mga 6’2 ang height.  Mestizo. Spikey ang buhok. Naka-black shirt na may R.I.P. Naka-skinny jeans. Naka-sneakers. At may aura na mayaman, lapitin ng mga babae, parang happy go lucky na pa-deep. Late 20’s ang edad.  Kustomer na baka lulunurin na naman ang sarili sa inumin.

Lulunurin ang problema, kagaya ng ginagawa ng ibang kustomer sa bar na ‘to na kadalasan ay mag-oorder at magmumukmok sa isang sulok habang nakikikinig sa saliw ng musika. Sabi nila, pwede daw lunurin ng alak ang problema, at kung marunong mang lumangoy ang problema, pupulikatin din yan.

Nag-serve ng beer si Michael, ang baristang naka-toka tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes.

“Salamat Michael” sabi ng lalaki pagkaabot ni  Michael ng inumin.

Ngumiti si Michael, at nagtaka kung bakit alam ng lalaki pangalan niya pero naalala niyang may badge pala siyang nakasulat ang first name niya.

“Nagtataka ka bakit ko alam pangalan mo? Marahil dahil sa badge na suot mo o dahil marami lang talaga akong alam sa’yo at sa mga tao dito na hindi alam ng iba. Alin ang paniniwalaan mo dun? ”

“Anong gusto mong sagot?” tugon naman Michael.

“Hahah. Yan ang gusto ko sa’yo eh. Alam mo, yang pangalan mo, galing sa pangalan ng anghel”

“Archangel Michael. Ang anghel ng paglaya at pananampalataya,” sagot naman ni Michael.

Alam niya dahil para sa kanya, yung pangalan ang alam mong iyong-yo kaya dapat kahit papaano ay alam mo kung saan galing ‘to.

“Tama. Naniniwala ka ba sa mga anghel Michael?”

“Marahil totoo sila, marahil hindi.”

“Eh kung sabihin ko sayong isa akong anghel? Maniniwala ka ba?”

Adik pala tong kausap  niya eh. Pero nasanay na siya sa mga ganito sa bar kaya alam na alam niya kung paanong sakyan ang mga ganitong usapan.

“Hipster na pala ang mga anghel ngayon? Eh sino ang binabantayan mo?”

“Hahah. Wala akong binabantayan, sinusundo lang. Anghel ng Kamatayan”  saad ng lalaki habang inuubos na ang bote ng beer.

“Nakakapagod  siguro ang trabaho mo lalo pa’t hindi lahat may gusto sa ginagawa mo”

“Hindi naman nakakapagod. Mas nakakapagod ang trabaho ng anghel ng pagkabuhay. Hahah. Gusto man nila ako o hindi, hindi ako maiiwasan ng tao, magkikita at magkikita kami, sa pagkakataong inaasahan at di nila inaasahan. Takot ka ba sa kamatayan Michael? Isa pa ngang beer.”

“Hindi ko alam. Hindi ko pa yan iniisip. marahil oo, marahil hindi.” Sagot ni Michael sabay abot ng bote ng beer.

“Maraming natatakot sa Kamatayan Michael. At kung sakaling may namamatay, yung iyak talaga ng mga namatayan ay hindi dahil mawawala na ang tao kundi dahil sa sakit ng mga nasabi at hindi nasabing salita, mga bagay na nagawa at di nila nagawa” sabi ng lalaki habang inuunti na naman ang beer.

Paniwalang-paniwala talaga siya na siya ang anghel ng kamatayan. Pero nagiging interesante para kay Michael ang usapan.

“Di’ba Si Nicole yun Mike; saad ng lalaki habang tinturo ang babaeng nasa isang mesa.; yung crush mo, susunduin ko siya mamaya. Wala ka bang sasabihin sa kanya bago ko siya sunduin? Di’ba gustong-gusto mong malaman kung bakit umalis siya ng kumbento?”

Paano na naman nalaman ng lalaking ito na crush ni Michael si Nicole . Stalker kaya siya ni Nicole? Pero sino ba naman ang hindi magka-crush kay Nicole eh ang ganda ni Nicole, ang seksi pa.

Unang pagkakita ni Michael kay Nicole, crush niya na agad ito pero alam niyang hindi siya ang tipo ng lalaking magugustuhan ng katulad ni Nicole. Nabigla lang siya ng sinabi ng dalaga na nanggaling siya sa kumbento. Ganitong-ganito rin ang tagpo, nanatili lang si Nicole sa bar, imbes na maghanap ng mesa sa kung saang sulok. Nagsasalita lang nag nagsasalita dahil an rin sigruo sa kalasingan, pero hindi niya kailanman nasabi kung bakit siya umalis ng kumbento.

“Kung ayaw niyang sabihin, ok lang. Trabaho kong makinig, hindi ang maki-tismis”

“Eh yung matandang nasa isa pang mesa? Kilala mo? Pwede mo ba akong sabihan Michael kung alam mo kung bakit siya nandito.”

“Si Ginoong Reyes, ang alam ko lang namatayan siya ng asawa last year, at naging suking kustomer dito simula noon. Wala na ngang anak, namatayn pa ng asawa. Susunduin mo rin ba siya?” tanong ni Michael

“Oo,mamaya din. Ilang beses na niyang sinubukang magpakamatay. Inuunahan ang trabaho ko, pero mamaya pa oras niya eh.” sabay ubos ng laman ng beer.

“Kung ikaw nga ang anghel ng kamatayan,bakit mo sinasabi sa’kin to?”

“Kasi may pakiramdam akong wala ka nang pagsasabihan nito Michael. ”

Tama siya. Wala nga namang pagsasabihan si Michael. Namatay ang nanay niya ng ipinanganak siya at iniwan lang siya ng tatay niya sa isang kamag-anak sa probinsya na nilayasan niya naman ng marunong na siyang magbanat ng buto. At kaibigan? Parang wala talagang malapit sa kanya.

“Sige Mike, kita na lang tayo uli.” sabi ng lalaki sabay latag ng ng Php 100 bill sa mesa. At umalis na agad si “Anghel ng Kamatayan”

Weird.  Isa na namang usapan sa isang adik na tao. Nakakatuwa din ang trabahong ito para kay Michael dahil sa mga taong katulad ng nakausap niya.

Pagkatingin niya sa relo.  Oras na pala para isarado ang bar. Last customer na si Nicole at Ginoong Reyes. Kaya nagsimula na siyang magligpit.

Mukhang napansin din ng dalawa ang oras kaya  lumapit na sa bar at nagbayad.

“Iho, iha, sumabay na kayo sa’kin, hatid ko na kayo kahit sa highway lang” sabi ni Ginoong Reyes.

“Sige ba, bakit naman hindi? Michael, sabay na tayo kay Ginoong Reyes. Ginoong Reyes, kaya niyo pa ba mag-drive? Baka lasing na kayo ha at di tayo umabot sa mga bahay natin ng buhay. Hahah.” sagot naman ni Nicole.

“Ah hindi na, malapit lang bahay ko dito, hindi na kailangang sumakay.”

“Wala atang bilib sa’kin si Michael eh kaya gumawa ng excuse.” Tumawa si Ginoong Reyes at ngumiti lang si Michael.

Sabay na silang tatlong lumabas ng bar. Habang kinakandado naman ni Michael ang pintuan, biglang may umalingawngaw na putok, at  narinig niya si Ginoong Reyes.

“Hoy! Ano yan?! Anong ginagawa niyo sa sasakyan ko?!”

Agad namang nakita ni Michael ang dalawang taong may takip ang mukha. At si Ginoong Reyes na nagtakang pigilan ang isang lalaki sa pagbukas ng kotse niya. Pero  agad ding pinukpok ng baril si Ginoong Reyes at humandusay sa sementadong daan. Katabi ni Nicole na wala ng malay at duguan.

Namutla si Michael pero agad ding sinunggaban ang isang lalaki. Sinubukan ni Michael na kunin ang baril. Tumilapon ang baril kaya nasuntok pa niya ang lalaki sa mukha.  Sinuntok niya uli pero nakaramdam siya ng malakas na hampas sa ulo niya. BAril ba yun? Hindi niya na alam.  Nakalimutan niyang may kasama pala ang carnapper.

At humandusay din siya sa sementadong daan. Nakita ang itim na langit. Nakita ang dalawang lalaking may takip ang mukha. Ang baril na hawak nila at nakatutok kay Michael. Ang pagkalabit ng isa. Pagpasok ng dalawa sa kotse ni Ginoong Reyes. At ang pagharurot ng sasakyan.

Tulong! Tulong. Sigaw ng isip ni Michael pero wala na siyang lakas para sumigaw.  Napakabilis ng lahat. Napakabilis ng pangyayari.

Umiikot ang paningin niya. At hindi niya alam kung paanong biglang nagflashback lahat sa kanya ang buhay niya. Nung bata siya, nung paglayas niya, ang mga taong nakilala niya sa bar. Mga kwento nila. At ang mga sinabi  ng lalaking kausap niya kanina..

“Kasi may pakiramdam akong wala ka nang pagsasabihan nito Michael. ”

“Sige Mike, kita na lang tayo uli.”

6 thoughts on “Anghel ng Kamatayan

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s