Kumpisal

Tuwing biyernes. Alas sais ng gabi. Nangungumpisal siya. Ang babaeng may itim na belo.May tinig na hindi ko alam kung para sa ibang lalaki ay nakakabigahani o may nakakatakot na misteryo. At nababalutan ng misteryong  ayaw kong alamin kung ano, pero bumabagabag sa isip ko.

Gusto kong malaman…

Ano ang pangalan niya?

Saan siya nanggaling?

At ang mas importanteng tanong, ano siya?

“Patawarin mo ako Ama, dahil nagkasala ako” ang pambungad niya. Yan ang palaging pambungad ng mga tao dito. Hudyat na handa na silang  maging bukas sa isang sugong nakatago sa isang kahon.  Subalit kung galing sa bibig niya… Agad akong nakakaramdam ng kilabot at pangamba na hindi ko mawari kung saan nanggagaling.

Sa totoo lang, minsan, hindi ko alam kung tama bang pinapapanalangin ko pa siya kahit parang nagdadalawang-isip ako kung nandito talaga siya para humingi ng tawad sa Diyos o para ipahatid sa’kin na ang isang tulad niya ay kaya nang pumasok sa isang banal na lugar tulad dito.

“Anak, humingi ka ng tawad sa Diyos. Magdasal ka ng sampung Ama namin at sampung Ave Maria”

“Opo Padre” agad niyang sagot pero sa totoo lang nanatili lang siya. Parang tinititigan ako kahit nakatago pa mukha ko.Nararamdaman ko ang talas ng titig niya. Hindi lang sa’kin kundi pati sa kaluluwa ko.  Hindi lang sa kaluluwa ko kundi pati sa kaluluwa ng kaluluwa ko.

At palaging may ganung tagpo. Tahimik lang siyang nagmamasid. Ako nama’y tahimik na nananalangin.  Magiging ligtas pa kaya ako kung sakaling lumabas ako sa kahong ito? Ang mga kumpisal niya.. hindi kwento ng isang normal na tao. Tungkol sa dinukutan niya ng puso. Sa kinain niya ng buhay. Nagmamakaawang batang sinaksak niya ng paulit-ulit habang tumatawa siya.  At marami pang kwentong naging banungot sa’kin gabi-gabi.

Kung kaya’t kimbinsido akong isa siyang taong may problema ang utak o sadyang sugo ng kung anong maligno.

Hindi pwedeng habang buhay akong nandito sa loob ng kumpisalan. Magkikita at magkikita din kami. Kung hindi man kami magkakaharap ngayon, sigurado akong babalik at babalik siya. Kung kaya’t nagdesisyon na ako.  Bahala na.

Lumabas ako ng kumpisalan.

At sumalubong sa’king leeg ang dalawang kamay. Kamay na may matatalas na kuko. Sakal na tila gustong gutay-gutayin ang lalamunan ko.

Wala na ang kanyang belo. Nakatitig siya sa’kin. Itim na itim ang balintataw ng kanyang mga mata. Walang buhay. Galit. Nanlilisik.

“Patawarin mo ako ama dahil ako’y nagkasala” sabi niya at may gumuhit na  nakakapangilabot na ngiti sa mukha niya.

Wala akong maisip bukod sa iusal ang sumusunod..

Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasiya,
Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo.
Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat
At pinagpala rin naman ang anak mong si Hesus.
Santa Maria, Ina ng Diyos
Ipanalangin mo kaming makasalanan
Ngayon at kung kami’y mamamatay.

Biglang nawala ang ngiti niya. Yumuko siya habang sinasambit ko yun. Kahit papaano, hindi ko na nakikita ang nakakatakot niyang mga mata. Katahimikan.

At unti-unting umangat ang ulo niya. Tinitigan ako at nagsimulang magsalita ng mga sumusunod..

Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasiya,
Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo.
Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat
At pinagpala rin naman ang anak mong si Hesus.
Santa Maria, Ina ng Diyos
Ipanalangin mo kaming makasalanan
Ngayon at kung kami’y mamamatay.

One thought on “Kumpisal

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s