Monologo ng may Pananampalataya

Naghihintay ako dito kasama ang mga taong di ko kilala. Kasama ang madlang di alam ang sikreto ko at hindi na makakaalam. Kailangang makita kita. Kailangang makalapit ako sa’yo. Kailangang mahawakan kita. Wala akong pakialam kahit na kailangan kong suungin ang nagwawalang madla. Ang madlang, gusto ding makita ka, gustong makita ang himalang magagawa mo.

Labing-dalawang taon. Labing-dalawang taon na naghihirap ako. Labing-dalawang taong tiniis ang sakit. Wala na daw akong pag-asa. Wala na daw pag-asa ang kondisyon ko.Wala ng lunas. Wala nang makakatulong sa’kin. Wala nang matatakbuhan.

Bukod sa sakit, palagi akong puno ng takot sa posibilidad na malaman nila. Na malaman nilang marumi ako. At kung malaman nila, tiyak akong ipapahiya nila ako, at sasabihan ng masasakit na salita. Walang makikipagkamay sa’kin, walang yayakap sa’kin, ni walang makikipag-usap.

At hindi na dapat ako nakikisalamuha sa mga tao, ni hindi na pumunta dito. Dahil nakakahiya ako. At makakahawa ako ng karumihan ko.

Pero, kailangang-kailangan kita, ngayon lang ang pag-asa ko. Ikaw lang ang pag-asa ko. Kailangang makalapit ako sa’yo. Gaano man kahirap suungin ang madlang ito. Gaano man ang siksikan, gaano man ang sikuhan, gaano man kasakit at kahirap para sa taong nanghihina na.

Kailangan kitang mahawakan. Kahit hipo lang, sa manggas ng damit mo. Kailangang magawa ko yun..

Sa gitna ng mga taong nagsisiksikan, pinilit kong abutin ka.Malapit na, malaaaapit na…

At sa wakaaas, sa wakas! Nasalat ng mga kamay ko ang manggas ng iyong damit.

Biglang nawala lahat ng sakit na nararamdaman ko, bigla akong gumaling. Ang sakit.. wala na! Ang tinitiis ko ng labing dalawang taon.. wala na!

Nawala ang nagpapahirap sa’kin. Ang nagpapahirap sa’kin ng mahabang panahon. Salamat, maraming salamat!

Ngunit huminto ka. Sa gitna ng nagsisiksikang tao. Huminto rin ang nagpupumilit na madla.

“Sino yun? Sino ang humawak sa’kin”

Paano? Maraming tao ang dumidikit sa’yo, marami ang humahawak sa’yo. Yun din ang sinabi ng kasama mo. Paanong naramdaman mo yun? Anong gagawin ko ngayon? Ngayong alam mo, na hinawakan ko ang manggas ng damit mo. Magagalit ka kaya? Ipapahiya mo kaya ako? Lalo pa kung malaman mo ang kapangahasan kong hawakan ka, kahit marumi ako?

Wala na akong matatakbuhan. Hindi na ako makatago sa gitna ng madla. Kung kaya’t bigla akong napaluhod, napaiyak sa paanan mo. Sinabi ang lahat kung bakit kailangan kong gawin yun. Kung bakit desperado akong mahawakan.. kahit ang manggas lang ng damit mo. At kung paanong gumaling agad ako, kung paanong nawala ang lahat ng sakit.

At kinausap mo ako. Kinausap mo ako!

“Anak, pinagaling ka ng pananampalataya mo. Humayo ka ng may kalayaan sa paghihirap mo”

Anak? Anak? Tinawag mo akong anak kahit alam mo kung gaano ako karumi? O panginoon ko, hinawakan mo ako-tinawag na anak, kahit ang iba’y pinagtatabuyan ako.

Pinagaling mo ako, hindi lang sakit ko, kundi pati kaluluwa ko.

(Ang inspirasyon nito ay nagmula sa Luke 8:40-49, Mark 5:21-34, Leviticus 15:25-27)

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s