Ang Babaeng Makasalanan

Bukangliwayway. Nandito ako kasama ang mga taong tinuturuan ng tinatawag nilang Messiah, si Hesus.

At habang nagtuturo si Hesus, ay siya namang pagpasok ng mga guro ng batas. May dala-dalang babae. Pinilit na tumayo sa harapan namin. Sa harapan naming lahat na nandun.

Ang sabi ng mga guro, nagkasala ang babae. Isang makasalanang babae na nahuli sa akto ng pangangaliwa. Sabi daw sa batas ni Moses dapat kamatayan ang parusa. Batuhin na ang babaeng makasalanan, sabi nila. Sa naalala ko, ang sabi sa batas ni Moses, parehong ang babae’t lalaki ang dapat batuhin hanggang sa kamatayan nila. Kung dapat sundin ang batas ni Moses, hindi lang ang babaeng yan ang dapat na nasa harapan namin ngayon. Bakit kaya hindi nila dala-dala ang lalaki? Nakatakas kaya siya? Yan ang hindi ko masasagot lalo na ngayong abala na ang mga kasamahan ko sa pamumulot ng bato. May nakita akong bato. Nasa paanan ko lang. Yumuko ako para pulutin ito. Anong gagawin ko dito? Hinimas ko ang bato. Kinuyom ng kaliwa kong kamay. Ibabato ko na ba ito?

Tinatanong nila si Hesus kung ano gagawin ngayon. Ano nga ba Hesus? Ano ang iyong gagawin sa mga oras na ‘to? Kung sakaling sabihin mong hindi siya dapat batuhin at ayos lang ang ginawa niya parang sinabi mo na ring pwedeng magkasala. Kung sakali namang hayaan mo kaming batuhin siya, hahayaan mo ding saktan ng iba ang kapwa nila, at sa pagkakaalam ko hindi yun pinapahintulutan ng batas ng Romano. Ano kaya ang gagawin mo ngayon? Ano ang hatol mo?

Pero yumuko lang si Hesus at may mga sinulat sa buhangin. Sayang at mula dito sa kinatatayuan ko’y hindi ko makita ang sinusulat mo.Matalinong guro. Maraming alam tungkol sa batas. Kung hindi lang sa kabigatan ng sitwasyon, matatawa ako. Ngayong araw na ‘to, hindi pwedeng sumulat ng kahit anong titik, pero pinapahintulutan ang pagsusulat sa buhangin. Matalino.

Pero tinatanong ka pa nila. Kinukulit kung ano ang hatol mo. Ano na Hesus? At hinarap mo sila, kami. Ano kaya ang sasabihin mo?

“Kung sino mang walang kasalanan, kayo ang unang bumato sa babaeng ito” ang sabi mo.

Napayuko ako. Tinignan ang bato. Ang batong hahatol sana sa babaeng makasalanan. Kung sino man daw ang walang kasalanan ang may karapatang bumato sa babae. At hindi ako yun. Hindi ako yun. Binitiwan ko ang bato. At sumunod din ang iba. Isa-isa kaming nagsitalikod. Ang iba, umalis na. Kailangan ko na ring umalis.

“Saan na sila babae? Wala bang may bumato sa’yo?” Tanong mo sa babae habang nagsusulat pa rin sa buhangin.

“Wala Ginoo.”

“Hindi din kita hinuhusgahan. Lumakad ka na at iwanan ang makasalanang buhay.”

Sino ka Hesus? Isa nga lang bang guro? Isa nga lang bang propeta? Hindi ba’t ikaw daw ay walang kasalanan? Kung tutuusin ay pwedeng ikaw ang unang bumato sa babaeng yun. Pero bakit di mo ginawa? Pinatawad mo siya at binigyan ng pagkakataong baguhin ang makasalanan niyang buhay. Sino ka Hesus? Sino ka?

-inspired by John 7:53-8:11

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s