Square 1

Natatandaan niyo yung sinabi ko tungkol sa acceptance stage? Na hindi dahil nandun ka na,di na pwedeng bumalik sa unang stage.

Minsan pala natatanong mo ang sarili mo nang “Paano kaya nagsimula ang mga bagay-bagay at bakit nagtatapos?” Tinanong ko ‘to matapos kong malaman na nagtatanong ang isang importanteng lalaki sa buhay ko kung bakit nga ba siya iniwan. Hindi ako makatulog simula nun dahil naisip ko na pwede palang ganun, na akala mo alam nila kung bakit, na akala mo nasa kanila ang mga kasagutan, pero sa huli, sila ang may maraming katanungan.

Pero ngayon, gusto kong tanungin ang sarili ko kung paano at bakit. Gusto ko uli sumulat nang sumulat hanggang mapatunayan ko sa sarili ko na kaya kong sumulat tungkol sa’yo na hindi nasasaktan.

Paano nagsimula ang lahat? Ang alam ko hindi sa room na kailangan natin mag-present sa upper class at napilitan kang mag-sexy dance dahil na rin sa kagagawan ko. Hindi din siguro nung niyaya kitang maghanap ng ferris wheel matapos ang isang madugong math exam. Marahil sayo, nagsimula sa harap nang LandBank, kung saan niyakap kita dahil ang saya kong makita ka dahil akala ko di mo kakayanin ang initiation niyo. At sa’kin nagsimula nang Lantern Parade, sa ilalim ng fire tree.

Bakit nagtapos? Dahil alam natin parehong hindi tayo handa sa isang relasyon. Dahil alam nating pareho tayong hindi kumpleto, hindi tayo buo, na nagkakilala tayo sa pagkakataong hinahanap natin ang sarili natin. Na tayong dalawa, gustong punan ang lahat ng kulang sa buhay nung isa, na gusto nating kunin lahat ng nagpapahirap sa isa, na gusto nating iparamdam sa isa’t isa na palagi tayong andyan, na hindi tayo mang-iiwan kagaya ng mga taong nang-iwan sa’tin. Pero hindi natin kaya yun. Dahil ang tama sa maling pagkakataon, ay mali. Pero masasabi kong, hindi dahil di na natin mahal ang isa’t isa.

At ngayon, gusto kong sumulat dahil hindi ko alam kung ano ang sasabihin sa’yo. Marahil na rin, nilalamon ako ng konsensya ko dahil alam kong ginawa mo ang makakaya mo para isalba tayo.

Salamat sa iba’t ibang emosyon sa loob ng tatlong taon. Sa nakakakilig na feeling na bigyan ang “Room 13” nang bulaklak. Yung feeling na wala kang pakialam kung saan ka dadalhin ng mga paa niyo basta kasama mo ang taong nagpapasaya sa’yo. Yung pakiramdam na makuntento sa mga simpleng bagay katulad ng siomai,Php15 pizza sa likod ng dorm niyo, pick ng gitara, at harana. Yung sobrang awkward na pakiramdam na malamang isa ka sa mga hubad na tumatakbo. Ang mangiyak-ngiyak ako sa saya tuwing makakatanggap ako ng sulat mula sa’yo. Ang sobrang fulfilling na feeling na US ka habang CS naman ako at siyempre yung sabay tayong nag-graduate.

You can break me with your words. Yun lang ang pumasok sa utak ko matapos kong mabasa ang gusto mong sabihin sa’kin ngayon. Salamat.

At oo, minahal din kita sa bawat segundo nang tatlong taon na yun. At hindi ko naisip na iiyakan ko yun. Iiyakan ko ang kawalan. Iiyakan ko hanggang sa mamugto ang mata ko. At susulat ako hangga’t alam kong tama na ang naisulat ko para sa’yo. Dahil ito ang linggwahe ko. At alam ko, ikaw din.

Kung meron man akong pinagsisihan, marahil ang nawalang pagkakataong iparamdam ko sa’yo na mahal kita sa pamamagitan ng paghihintay. Siguro yung pagkakataong naging makasarili ako at hindi ka pinalaya kahit kailangan na. At siyempre, pinagsisishan kong hindi ko na-protektahan ang puso mo.

Nasasaktan ako dahil sa totoo lang, ang hirap-hirap mag-isip nang hinaharap kasama ang iba kung sinimulan natin magbuo ng kwento tungkol sa’tin. Kung naka-detalye kung paano’ng pareho tayong nasa iba’t ibang field ng psychology balang araw. Kung bakit dapat sisiguraduhin nating walang middle child. At ano’ng gagawin natin sakaling magkamali ako sa pagluluto.:)

Siguro ganun talaga ang mga katulad natin. Mga taong umaasa sa hinaharap dahil masakit lingunin ang nakaraan. Mga taong nasasaktan pa rin sa kasalukuyan.

Gusto kong malaman mo kung bakit kailangan magtapos ang lahat. Hindi dahil sa hindi kita mahal kundi dahil meron akong mas mahal. At alam mo kung Sino ang tinutukoy ko. Hindi tungkol sa kung ano mang kulang sa’yo o sa’kin kundi dahil alam kong hindi natin mapupunan ang kakulangan natin. Dahil alam kong mas mamahalin ka Niya. Dahil alam kong patuloy tayong masasaktan hangga’t hindi natin natatanggap na hindi natin kayang ayusin ang sarili natin. Dahil alam kong may mas nagmamahal sa’yo at dahil sa’kin, hindi mo nakikita yun.

Gusto kong malaman mo na iiyakan ko ang kawalan. Gusto kong malaman mo na hindi mo kailangang sisihin ang sarili mo kung bakit natapos ang lahat. Gusto kong malaman mo na hindi ko alam kung paano ang mag-sorry sa’yo pero gusto kong humingi ng patawad.

Dahil sa mga sinabi mo, na-realized ko na hindi magiging bukas ang puso ko ngayon kahit kanino,kahit na sa’yo,hangga’t alam kong hindi pa tapos ang Panginoon sa kwentong ito.

4 thoughts on “Square 1

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s