Galeriya

Para kay Papa

Naalala mo ba nung sinama mo ako sa pinagtatrabahuan mo? Mga apat o limang taong gulang ata ako nun. Sabi ko sa’yo manonood lang ako ng TV sa isang bahay dun, at nung matapos ang palabas, at pagkalabas ko sa bahay, wala ka na dun, wala na rin ang ibang nagtitinda. Pero hindi ako natakot.Hindi ako umiyak. Dahil alam kong babalikan mo ako.

Nagtanong ako sa nagbebenta ng siopao kung nasaan ka, sabi niya baka balikan mo lang daw ako at binigyan niya ako ng libreng siopao dahil baka natakot siyang umiyak ako. Pero hindi ako natakot. Hindi ako umiyak. Dahil alam kong babalikan mo ako.

Tapos nagtanong ako sa isang driver ng pedicab kung saan ka, sabi niya baka balikan mo lang daw ako. Kaya ang ginawa ko, sinabi kong ihatid niya ako sa Pala-Pala dahil baka nandun ka. Hinatid niya naman ako dahil baka natatakot siyang umiyak ako. Pero hindi ako natakot.  Hindi ako umiyak.  Dahil alam kong babalikan mo ako.

Nang nasa Pala-Pala na ako. Tinanong ko ang nagtitinda ng isda kung nasaan ka, ang sabi niya baka balikan mo lang ako. Kaya ang ginawa ko, umupo ako sa isang mesa dun, binuksan ang plastic na naglalaman ng siopao, tinuklap ang papel sa likod nito, at kinain ang siopao. Naghihintay lang ako.

Maya-maya, nakita kita na tumatakbo at mukhang hapong-hapo.Tapos pinuntahan mo ako. Binalikan mo nga ako at tinanong kung kamusta naman ako, kung natakot ba ako o umiyak ako.

“Hindi ako natakot. Hindi ako umiyak. Dahil alam kong babalikan mo ako.”

Dalawang Sintas

Para sa Unang Lalaking Minahal Ko

Advertisements