Para Sa Mga Mahabang Gabi

Kung masyadong mahaba ang gabi
At ayaw kang samahan ng buwan at mga bituin
‘Wag mong kakalimutan na minsan nang nasilaw ang buwan sa liwanag ng ‘yong ngiti
At minsan na ring naiinggit ang mga bituin sa kinang ng ‘yong mga mata.

At kung sakaling nilulunod ng ulan
Ang tunog ng iyong paghikbi
At ayaw ka niyang bigyan ng pagkakataong mapakinggan
Sana’y iyong maalala, na may mga araw na ang dahilan ng pagluha
Ay dahil sa sumakit ang ‘yong tiyan sa katatawa
At umaabot sa kalangitan ang ‘iyong halakhak, tawa, at galak.

At kung ang lumulunod sa’yo ay ang katahimikan
At ang saksi ng kabiguan ay ang mga basang unan
Kumapit ka sa pag-asang kung sakaling maabot ng liwanang ang ‘yong mga luha
Ito’y magmimistulang bahaghari sa’yong kaluluwa.

Kung masyadong malawak ang espasyo ng ‘yong kama
At tila isa kang bilanggo sa apat na sulok ng iyong silid
Wag mong kakalimutan ang mga umagang ang bawat espasyo ng iyong katawan
Ay nasa bisig ng iyong minamahal
At ang parehong kwarto ay tinatawag niyong tahanan.

Kung ngayong gabi, parang may busal ang bibig,
may kadena ang kamay, at bato ang mga paa
Lumingon ka ng makita mong meron kang pakpak dahil ika’y malaya
Timbangin ang iyong puso upang iyong malaman
Na wala na ang bigat ng poot at di pagpapatawad
Damhin mo ng iyong kamay upang iyong makita na ang susi ay ang pagtanggap.

Bukas, salubungin mo ang pangako ng bagong umaga
At kung ang puso mo’y meron pa ring pangamba
Sa dalang dilim ng nagbabadyang takipsilim
Isipin mong, ang araw at liwanag ay di nagpapaalam
Ang dagat ay kanya lamang hinahalikan
Kaya huminga ka ng malalim, pumikit, at imulat ang mata
Ng iyong makita…
Ang paglubog ng araw…
At kung gaano ito kaganda. 

Advertisements