Galeriya

KM3: Tinig(Noise Pollution)

Noise Pollution. Ayos ah. Noon, dumi  sa lupa, hangin, at tubig lang tinuturo samin, ngayon meron ng noise pollution. Definition? IGMG! I-google mo goodie pa-cutesie o  tanungin mo si Mareng Miriam nang makarinig ka ng Waaah!

O ayan, alam mong may noise pollution. Solusyon? Pagsasala. Paano magsala? Tanungin ang mga sumusunod sa pinakamalapit na inanimated object. Ulitin hanggang may sumagot.

1.Kaninong tinig ang dapat at di dapat pakinggan?

2. Anu-ano ang dapat pinag-aaksayahan natin ng laway at tinig?

3.At bakit nga ba talaga naimbento ang salitang noise pollution?

4. Bakla ba talaga si Papa Piolo? Eh si Papa Coco? *optional

5.At anong point na tinatanong ko to?

O hinay-hinay lang sa  pagtatanong, napi-pressure ang inanimated object.

Kaninong tinig ang dapat at di dapat pakinggan?

Mabuti pa yung utot ng pusa, naririnig,11 million views sa youtube. Bakit ko alam? Kaypayn, nakinood ako. Eh yung mga sigaw ng nawalan na ng lupa, nawalan pa ng pamilya, may nakarinig ba? Sa impeachment, andami-daming nagsasalita, sino ang pinagtakpan mo ng tenga at sino ang binigyan mo ng unli- attention? Malapit na ang eleksyon, kaninong tinig ang maririning? Boses ng iyong konsensya o boses ng iyong bulsa?

Anu-ano ang dapat pinag-aaksayahan natin ng laway at tinig?

Sabi ng terorista kong  propesor sa kolehiyo na palaging sumisigaw  ng justice, freedom,equality; kung yung pinag-uusapan ng tao  eh tungkol sa  social sciences tulad ng  psychology, history, political science, at philosophy, at hindi tungkol  sa kung sino yung bagong boylet ni Krissy, eh di sana  nagpupulot na tayo ng brilyantes sa daan kinabukasan. Sabi naman ng seatmate ko “Kat, mag-on na pala si Justin Bieber at Selena Gomez?” Shocks, poorita pa rin kami bukas.

Bakit naimbento ang salitang noise pollution?

IGMG! Nagsimula ba tong IGMG para sa mga di marunong magresearch o para sa mga tamad sumagot? Ay teka, lumalayo na ako sa topic.

Siguro, naimbento  ang “noise pollution” para ipaalala sa atin na  hindi lahat ng sumisigaw, naririnig, hindi lahat ng naririnig, napapakinggan, at hindi lahat ng napapakinggan, may pakinabang. Naks.

Anong point ng mga tanong na yan? Anak ng naka-brace na pating! Narinig ako, pero di napakinggan.

*********************************************************************

Lahok sa pakulo ni kuya kuli: Kamalayang-malaya 3 🙂

Advertisements